The winning entries have been announced in this pair.There were 3 entries submitted in this pair during the submission phase. The winning entries were determined based on finals round voting by peers.Competition in this pair is now closed. |
Dati-rati ay maginaw ang mga taglamig sa Inglatera. Ang mga panahong ito ay ginugugol namin, lalo na ng aking mga magulang, sa panonood ng wrestling. Ang wrestling na pinapanood nila noon sa kanilang 'black and white' na tv tuwing Sabado ng tanghali ay nagpapakita ng maikling pagdalaw ng buhay sa kanilang simpleng-kulay na pamumuhay. Ang kanilang mga pantrabaho ay kupas na, ang sapin ng upuan – hindi napapalitan sa loob ng maraming panahon - ay kupas na, maging ang kanilang mga alaala ng kung ano sila bago dumating sa Inglatera ay kumukupas na rin. Ginugol ng aking mga magulang, ng kanilang buong henerasyon, ang pinakamabubuting mga taon ng kanilang mga buhay sa mga pabrika para sa katiting na halaga ng sahod. Isang buhay ng kawalang-kahulugan, ng baluktot na mga gulugod, ng malubhang sakit sa kasu-kasuan, ng napinsalang mga kamay. Kinakagat nila ang kanilang mga labi at tinitiis ang sakit. Wala silang anumang iba pang magagawa kundi ang gayon. Sa kanilang isipan, sinikap nilang pansamantalang tumigil – huwag pansinin ang mga pagkakamali ng mga katrabaho, huwag rendahan ang walang-kabuluhang pagtatawanan ng mga katiwala, at, sa kaso ng mga kababaihang galing sa India, hindi masaktan o magulumihanan kapag pinagkakatuwaan o kinakawawa sila sa mga kuwentuhan ng mga asawang lalaki. Mamuhay nang may-kapaitan, sinasabi nila sa kanilang sarili, harapin ang kapaitan - ang sumisirit na kirot pataas sa mga braso, ang napinsalang mga tadyang, ang mga sakit sa likod dulot ng pagyuko sa harap ng mga makina ng pananahi sa loob ng napakaraming taon, ang mga may-kalyong daliri dahil sa paglalaba gamit ang mga kamay, ang nirarayumang mga tuhod dahil sa paglalampaso ng sahig ng kusina gamit ang napaglumaang panloob ng kanilang mga asawa. Kapag umuupo ang aking mga magulang upang panoorin ang wrestling tuwing Sabado ng tanghali, hawak ang tasa ng malapot na tsaang cardamon , nais nilang malibang, nais nilang masiyahan. Ngunit nais din nila, kahit isang beses lang, na magwagi ang mabuting tao laban sa masama. Nais nila na ang arogante, walang sinasantong kalaban ay matuto ng kaniyang leksyon. Nananalangin sila para sa mabuting tao, na nakahiga sa gitna ng sahig, bitag ng mga kamay ng kalaban o minamasahe ang kaniyang mga bato dahil sa kirot, na huwag sumuko. Kung maaari lamang na magpatuloy siya nang kaunting panahon pa, tiisin ang kirot, tapusin ang laban. Kung ginawa lamang niya ang mga bagay na ito, malamang, tulad ng kung ano ang wrestling, siya ay magwawagi. Gayunpaman, iyon ay isa lamang uri ng tagumpay. Makikita mo ang nagwagi, pagod, halos hindi magawang kumaway sa mga nanonood. Ang tagumpay ay, sa katunayan, ang pagiging buhay. | Entry #6032 Winner
|
Maginaw noon ang mga winter sa England. Pinalilipas namin ito, lalung-lalo na ng mga magulang ko, sa panonood ng wrestling. Ang wrestling na pinanonood nila sa kanilang black and white na TV tuwing Sabado ng hapon ay nagbibigay ng panandaliang sigla at kulay sa kanilang mga nakababagot na buhay. Ang kanilang mga maong na pangtrabaho ay kupas na, gayundin ang pantakip sa sofa na hindi napapalitan sa loob ng maraming taon, ang mga alaala ng kanilang mga pagkatao bago pa man sila pumunta sa England ay kumukupas na rin. Ginugol ng mga magulang ko at ng kanilang buong henerasyon ang pinakanatatanging oras ng kanilang buhay sa pagtatrabaho sa mga pabrika kapalit ng kakarampot na sweldo. Isang buhay na puno ng hirap sa pagkayod, pagkakandakuba, matinding rayuma, at sugat-sugat na mga kamay. Kagat-labi nilang tinitiis ang sakit. Wala silang magawa kundi ang magpatuloy. Sa kanilang mga isip sinubukan nilang maging manhid – na balewalain ang hindi pamamansin ng ibang trabahador, na hindi na sumimangot sa mga walang saysay na tsismisan ng mga foreman, at para sa mga babaeng Indian, sinubukan nilang hindi matakot sa mga oras na sasampalin sila ng kanilang mga asawa. Tiisin at harapin ang sakit, ito ang sinasabi nila sa kanilang mga sarili, sakit ng mga nangangalay na braso, ng mga lumulubhang kasu-kasuan ng balakang, ng mga pasumpong-sumpong na kirot ng likod dahil sa pananahi sa loob ng maraming taon, ng mga kinakalyong kamay dahil sa paglalaba, ng mga nirarayumang tuhod dulot ng pagkukuskos ng sahig sa kusina gamit ang mga lumang salawal ng kanilang mga asawa. Kapag nakaupong nanonood ng wrestling ang aking mga magulang tuwing Sabado ng tanghali, hawak ang kanilang salabat, nais nilang maaliw, matawa. Ngunit higit pa rito, nais nilang mapatumba ng mabait na wrestler ang barumbadong kalaban. Nais nilang maparusahan ang mayabang at maangas na wrestler. Ipinagdarasal nilang hindi sumuko ang kalahok na nasa posisyong nakahandusay at imposible nang makatayo o di kaya’y tiim-bagang na namamaluktot sa sakit na natamo. Kung kaya lang niyang magtiis nang ilan pang sandali, magpigil sa sakit na dinaranas, at tapusin ang laban. Kung kaya lang niyang gawin ang mga ito sa kabila ng “dahas” na hatid ng larong wrestling, marahil ay makakamit niya ang tagumpay. Isang limitadong tagumpay na matutunghayan habang nakikita mo ang nanlulupaypay na nanalong kalahok, hindi na halos makakaway sa mga tao. Isang tagumpay na higit sa lahat ay para lamang manatiling buhay. | Entry #6038 Winner
|